News Details

Husay ng Mindoreño, tampok sa National Arts Month 2026 Celebration

Husay ng Mindoreño, tampok sa National Arts Month 2026 Celebration

Patuloy nating ipinagdiriwang ang kahalagahan ng sining sa ating lipunan!
Admin    Feb. 24, 2026

Bida ang husay at likha ng mga Mindoreño sa larangan ng sining at kultura sa ginanap sa National Arts Month 2026, na may temang “Ani ng Sining: Katotohanan at Giting” at isinagawa noong ika 23-24 ng Pebrero sa MinSU Main Campus CAAF Library.

Pormal na binuksan sa publiko ang Art Exhibit sa pamamagitan ng isang ribbon-cutting ceremony na pinangunahan nina Dr. Jerome Jeff Zamora, Director for Student Support and Engagement, kasama sina G. Ross Christian C. Manuel, Deputy Director for Heritage, Culture and Arts (Main Campus), G. Eljohn Villeza, G. Vince Alcedo, G. Carl Abram L. Alcedo, at Bb. Princess Karen Hernandez. Layunin ng selebrasyong ito na ipagmalaki ang mga produktong likha ng mga Mangyan at ang mga obrang gawa ng mga local artists sa lalawigan. Naging makulay ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng intermission number mula sa Alab Dance Troupe at Harmonics.

Pangunahing tampok sa selebrasyon ang talumpati ni G. Alcedo, isang kilalang pottery at ceramic artist sa lalawigan, kung saan ibinahagi niya ang kanyang karanasan bilang alagad ng sining at kung paano niya pinalago at pinagyaman ang kaniyang talento sa pottery at ceramics. Hinikayat niya rin ang mga mag-aaral na pahalagahan at isapuso ang talento sa sining.

“Ang sining ay hindi lamang isang kasanayan kundi isang makapangyarihang paraan ng pagpapahayag ng kultura, dedikasyon, at pagmamahal sa sariling kakayahan”, aniya. 

 Katuwang din sa selebrasyon ang mga organisasyon ng Pampamayanang Mangyan Ugnayan, Inc. (PMUI), Alab Dance Troupe, Harmonics, X Cape Band, Pamanang Guhit, at mga estudyante mula sa asignaturang Art Appreciation. Binigyang-diin sa gawain ang iba’t ibang anyo ng sining tulad ng handicrafts, charcoal drawings, portraits, landscape paintings, oil paintings, digital arts, at ang tamaraw head craft na tunay na umagaw-pansin sa mga dumalo.

Ang pagdiriwang na ito ay naglalayong mapanatili at higit pang mapahalagahan ang tradisyon at husay ng Pilipino sa iba’t ibang larangan ng sining. Ipinapakita nito na ang bawat obra ay nagsisilbing daan upang maipahayag ang damdamin, karanasan, at pagkakakilanlan ng isang indibidwal o komunidad, ito rin ay nagbibigay ng kumpiyansa at inspirasyon sa sarili.

Ang National Arts Month, ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Pebrero sa Pilipinas sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 638 noong 1991 upang parangalan ang kahusayan sa sining at kultura ng mamamayang Pilipino. Patuloy itong nagsisilbing plataporma para sa mga artist at komunidad upang maibahagi ang kanilang natatanging talento at malikhaing pagpapahayag.


via Annalyn Abuyog & Joan Ramirez


#SDG4


(kpic)

chart_icon

302 Staff

chart_icon

10531 Students

chart_icon

9 Colleges

chart_icon

3 Years